15/05/2026
NAPAGKAISAHANG PAHAYAG NG MGA AKADEMIKONG INSTITUSYON kaugnay ng planong Policies, Standards, and Guidelines on the Reframed General Education Curriculum Component: Philosophy, Structure, Development Mechanisms, and Quality Assurance ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (CHED)
Mariing kinokondena ng Departamento ng Filipino ng Pamantasang De La Salle - Maynila, Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ng Unibersidad ng Pilipinas - Diliman, DLSU Sentro sa Pagsasalin, Intelektuwalisasyon, at Adbokasiya (DLSU SALITA) at ng Sentro ng Wikang Filipino - UP Diliman ang nakaambang pagpapatupad ng panukalang Policies, Standards, and Guidelines on the Reframed General Education Curriculum Component: Philosophy, Structure, Development Mechanisms, and Quality Assurance ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (CHED). Samantalang inaatras na ng Komisyon ang plano nitong pilot testing sa darating na akademikong taon, hinihikayat namin ang Komisyon na pakinggan ang mga akademiko’t organisasyong propesyonal na naghahain ng mga panukala sa usapin ng general education sa kolehiyo.
Proseso ang edukasyon para mahanap at maisabuhay natin ang karunungan. Sa proseso ng ating pagtuklas ng kaalaman, pundasyon ang mga kurso sa general education upang maging handa ang mamamayan na salain ang nakukuhang impormasyon at wastong isabuhay ang mga ito upang makapag-ambag sa kaunlaran ng bansa. Malinaw, kung gayon, na hindi “pampuno” ang mga kurso sa general education kung hindi salalayan tungo sa holistikong pagbabanyuhay ng Pilipino. Sa benchmarking na ginawa ng Komisyon, umaabot sa 40 units at higit pa ang mga GE sa ibang bansa. Kung gayon, walang lohika ang 18 yunit na kanilang panukala. Hindi dapat pinahihina ang GE sa pamamagitan ng pagbabawas ng yunit at pagtatanggal ng mahahalagang kurso para lamang paiksiin ang oras at taon ng pag-aaral. Dapat pa nga itong palakasin sa pamamagitan ng pagpapanatili ng mga kurso sa agham panlipunan at humanidades.
Ang mga kurso sa Filipino, Panitikan, Kasaysayan, at Sining ay hindi lamang nagtuturo ng disiplina sa agham panlipunan at humanidades. Tumutulong din ito sa pagpapaunawa sa pagka-Pilipino ng bawat isa. Higit lalo, ang mga kursong nabanggit ang siyang kaluluwa ng lipunang Pilipino. Kung naituro na sa senior high school ang mga kurso, lalong hindi na dapat bawasan at sa halip ay dagdagan pa nga ang GE units sa kolehiyo kung hindi dapat pang palalimin ang nakuhang kaalaman at ilapat ang kasanayan para sa benepisyo ng kapwa Pilipino. Nasa Filipino, Panitikan, Kasaysayan, at Sining ang diwa ng pagka-Pilipino at dapat itong pahalagahan. Ang mga kursong Filipino na itinuturo ngayon sa Pamantasang De La Salle at Unibersidad ng Pilipinas Diliman ay pawang nagpapatunay ng lawak at lalim ng kaalaman, kasanayan, halagahan, karunungan, kamalayang panlipunan, at habambuhay na pagkatuto na mawawala sa ating mga estudyante kung hindi daragdagan at kung lalo pang babawasan at palalabnawin pa ang anumang natitira pang espasyo para sa pag-aaral ng wika, kultura, at kasaysayang sariling atin
Ang Philippine Studies ay malawak at interdisiplinaryong pag-aaral ng ating lahi, kasaysayan, wika, panitikan at kultura upang lubos nating maunawaan ang ating sariling kalagayan at pangangailangan bilang bansang binubuo ng iba’t ibang uri, lahi, etnisidad at kasarian. Kung pipiliting pagsamahin ang Philippine Studies sa Kursong Rizal, hindi lamang nito pinalalabnaw ang layunin ng Philippine Studies, makabuluhang pinaliliit din nito ang Kursong Rizal, na kung tutuusin ay hindi maaaring panghimasukan dahil isinabatas ito sa pamamagitan ng RA 1425. Isa itong kursong kung tutuusin ay lunan ng maraming talastasan ng makabayan at kritikal na diskurso, mataas na karunungan, at kritikal at mapanlikhang pag-iisip at bukal ng kamalayang sibika. Hindi aksidente ang pagtuturo nito. Sa 70 taon ng implementasyon ng RA 1425, hindi lamang ika-19 na dantaon, Noli me Tangere, at El Filibusterismo ang pinag-uusapan dito, kundi pati ang iba pang sulatin ni Rizal na may kabuluhan sa kasalukuyang panahon, halimbawa, kalagayan ng kababaihan, tungkol sa ibinibintang na katamaran ng mga Pilipino, kalagayan ng bansa sa loob ng sandaang taon, ang taal na kalinangang Pilipino, masamang pamamahala ng bansa, kahalagahan ng malayang midya, kahalagahan ng Wikang Pambansa bilang wika ng ating kalayaan, at mga imperyalistang interes na banta sa pambansang patrimonya at kasarinlan.
Marapat na maprotektahan ang trabaho ng mga g**ong nagtuturo ng general education. Nauna nang ginawa ng estado ang pagtanggal sa trabaho ng mga g**o ng Filipino sa bisa ng EO 210 na nagdiriin sa Ingles bilang midyum ng pagtuturo. Sa mungkahing GE, pagyurak muli ito ng wika, identidad, at kapangyarihan ng mamamayang Pilipino.
Dahil dito, nananawagan kami sa Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (CHED) na muling suriin at masusing pag-aralan ang nasabing polisiya. Naniniwala kaming mahalagang matiyak na tumutugon ang bawat pagbabago sa kurikulum sa pangangailangan ng mga mag-aaral at nagtataguyod sa kalidad ng edukasyon sa bansa. Kung kaya’t, naninindigan kami sa pagtataguyod sa nagkakaisang pahayag na ito. Nakahanda kami anomang oras na ibahagi sa Komisyon ang mga detalyadong panukala para sa mungkahing kursong GE sa mga asignaturang makabuluhan sa holistikong paghubog ng mga Pilipino at kamalayang makabayan, kasama na ang Filipino, Panitikan, at Sining, at Kasaysayan. Bukas kami sa mapanlahok na proseso sa pagsasaayos at pagpapabuti ng kurikulum tungo sa isang makabayan at mapagpalayang sistemang pang-edukasyon na humuhubog sa mga mamamayang transpormatibo sa halip na tagamasid lamang.
Itigil ang sapilitang pagbabago ng GE kurikulum na anti-mamamayan at anti-Filipino!