29/05/2026
Sulyap sa mga Nominado: Gawad Pangulo para sa Natatanging Serbisyo Publiko
Bilang pagkilala sa husay at dedikasyon ng ating mga komunidad sa unibersidad, ibinabahagi ng Padayon UP ang natatanging kwentong ito mula sa University of the Philippines Los Baños.
Kilalanin ang Project ACTS (Activity-Travel Behavior and COVID-19 Transmission Simulation) ng UPLB Department of Civil Engineering, isa sa mga opisyal na nominado para sa parangal ngayong taon.
Layunin ng inisyatibong ito na bumuo ng isang decision support system na makatutulong sa mga lokal na pamahalaan sa pagtukoy ng posibleng hotspots ng COVID-19 at iba pang pandemya, habang pinananatiling ligtas at tuloy-tuloy ang mga gawaing pang-ekonomiya.
Sa pamamagitan ng pag-aaral sa activity-travel behavior ng mga tao — kabilang ang kanilang galaw, uri ng biyahe, at mga aktibidad — nakatutulong ang proyekto sa pagbuo ng mas maagap at mas epektibong polisiya laban sa pagkalat ng sakit. Kabilang din dito ang paggamit ng simulation at modeling upang makapagbigay ng forecast at rekomendasyon para sa mas mahusay na pamamahala ng pandemya at transportasyon.
Pinag-uugnay ng Project ACTS ang larangan ng transportasyon, pampublikong kalusugan, at socio-economic planning upang makapaglatag ng mas matatag, ligtas, at handang kinabukasan para sa mga komunidad sa Pilipinas.