01/05/2026
Opisyal na pahayag ng UP Economics Towards Consciousness (UP ETC) hinggil sa Araw ng mga Manggagawa, Mayo 1, 2026
Noong Mayo 1, 1903, isa sa mga unang malawakang pagkilos ng mga manggagawa sa Pilipinas ang isinagawa bilang paggiit ng karapatan sa makatarungan at disenteng kondisyon sa trabaho. Mula rito, nahubog ang diwa ng Araw ng Paggawa bilang paggunita sa mahalagang papel ng uring manggagawa sa pag-unlad ng lipunan. Sa araw na ito, kinikilala ang patuloy na ambag ng mga manggagawang Pilipino sa ekonomiya ng bansa, habang patuloy na kinakaharap ang mga hamon sa kanilang kalagayan sa paggawa.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, bumaba man ang unemployment rate sa 5.1 porsyento noong Pebrero 2026, nananatili pa rin itong mas mataas kumpara sa nakaraang taon. Kasabay nito, nananatiling mataas ang underemployment sa 11.8 porsyento, na katumbas ng humigit-kumulang 5.84 milyong Pilipinong naghahangad pa rin ng karagdagang oras, kita, o mas maayos na oportunidad sa paggawa.
Ipinapaliwanag ng IBON Foundation na ang mga nakikitang paggalaw sa mga pangunahing datos ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng pagbuti sa kalidad ng trabaho. Ang pagtaas ng self-employment, hindi bayad na paggawa sa loob ng pamilya, at paglipat sa impormal na mga gawain ay nagpapakita na maraming Pilipino ang napipilitang maghanap ng kabuhayan sa anumang paraan sa gitna ng kakulangan sa disenteng oportunidad. Sa ganitong kalagayan, ang pagtaas ng bilang ng “employed” ay hindi awtomatikong katumbas ng pag-angat ng kabuhayan.
Sa hiwalay na pagtataya, inilalahad naman ng organisasyon ang umiiral na agwat sa pagitan ng sahod at tunay na gastusin ng pamumuhay. Habang ang minimum wage sa NCR ay nasa ₱695 kada araw, tinatayang ₱1,266 kada araw ang kinakailangang living wage upang matugunan ang batayang pangangailangan ng isang pamilya. Ipinapakita ng agwat na ito ang patuloy na kakulangan sa sapat na proteksyon para sa mga manggagawa laban sa tumataas na halaga ng pamumuhay.
Higit pa rito, ayon sa International Trade Union Confederation noong 2025, kabilang ang Pilipinas sa sampung mga bansang may pinakamahinang proteksyon para sa mga manggagawa sa loob ng siyam na magkakasunod na taon. Ang red-tagging, panggigipit sa unyon, at kakulangan ng tunay na proteksyon sa karapatan sa organisasyon ay patuloy na lumilikha ng kapaligirang hindi ligtas para sa mga manggagawang nagnanais ipaglaban ang kanilang karapatan.
Hindi rin maihihiwalay sa usaping ito ang epekto ng mas malawak na krisis sa ekonomiya at pulitika. Ang pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin, na nakaugnay sa pandaigdigang tensyon at krisis geopolitikal, ay lalong nagpapabigat sa sitwasyon ng mga manggagawang matagal nang nakasandig sa mababang sahod at limitadong proteksiyong panlipunan. Kasabay nito, ang mga isyu ng katiwalian sa pamahalaan ay patuloy na nagpapahina sa kakayahan ng estado na tugunan ang pangangailangan ng nakararami, lalo na ng uring manggagawa.
Bilang tugon, naninindigan ang UP Economics Towards Consciousness na ang kalagayan ng ekonomiya ay hindi maaaring ipakita lamang sa mga pangunahing indikator, kundi dapat nakabatay rin sa aktwal na kalidad ng trabaho at kabuhayan ng mga manggagawa.
Ang tunay na sukatan ng pag-unlad ay nakabatay sa kalidad, seguridad, at kakayahan ng mga manggagawa na mamuhay nang may dignidad mula sa kanilang kita. Ang mga manggagawa ay hindi dapat manatili sa sitwasyong ang kanilang paggawa ay hindi sapat upang tugunan ang patuloy na pagtaas ng gastos sa pamumuhay. Kinakailangan ang isang komprehensibong pagbabago sa direksiyon ng patakarang pang-ekonomiya na inuuna ang kapakanan ng manggagawa. Kabilang dito ang pagtataguyod ng makatarungang sahod, pagpapalakas ng seguridad sa trabaho, paggalang sa karapatang mag-organisa at magpahayag, at seryosong pamumuhunan sa pangmatagalang pag-unlad ng mga sektor ng industriya at agrikultura bilang pundasyon ng matatag na ekonomiya.
Nananawagan kami ng mas malinaw na pananagutan mula sa pamahalaan at mas matatag na kolektibong pagkilos mula sa lipunan. Ang pagpapahalaga sa paggawa ay hindi dapat natatapos sa pagkilala lamang, kundi dapat isinasabuhay sa mga patakarang tunay na nagtataguyod ng kapakanan ng manggagawa.
References:
[1] Gregorio, Agatha and ABS-CBN News. “PH Among Top 10 Worst Countries for Workers for 9th Year — ITUC.” ABS-CBN, 7 June 2025, www.abs-cbn.com/news/nation/2025/6/7/ph-among-top-10-worst-countries-for-workers-for-9th-year-ituc-1813.
[2] IBON Foundation. “Most Filipinos Trapped in Precarious Work, Face Deeper Crisis From Oil Price shocks—IBON.” IBON Foundation, 8 Apr. 2026, www.ibon.org/most-filipinos-trapped-in-precarious-work.
[3] IBON Foundation. “NCR Family Living Wage (as of March 2026).” IBON Foundation, 13 Apr. 2026, www.ibon.org/flw-ncr-2603.
[4] National Library of the Philippines. “Labor Day.” National Library of the Philippines, 9 May 2023, web.nlp.gov.ph/labor-day.
[5] Philippine Statistics Authority. “Unemployment Rate Declined to 5.1 Percent as Labor Market Conditions Improved in February 2026.” Philippine Statistics Authority, 8 Apr. 2026, psa.gov.ph/content/unemployment-rate-declined-51-percent-labor-market-conditions-improved-february-2026.