24/07/2026
Malugod na pagbati kay Asst. Prof. Katrina Paula V. Ortega sa pagkahalal bilang Pangulo ng All UP Academic Employees Union!
Padayon, Teacher Kat! Maraming salamat sa iyong patuloy na paglilingkod at pagtataguyod ng mga karapatan—hindi lamang ng mga g**o at akademikong kawani, kundi ng lahat ng sektor sa unibersidad.
Mabuhay ang militante, progresibo, at makabayang unyonismo!
Ikinalulugod na ipakilala ng Acad Union Diliman ang mga bagong-halal na opisyales ng ating unyon!
President: Kat Ortega
Vice President for Faculty: Gonzalo Campoamor II
Vice President for REPS: Rlynne Valbuena
Secretary: Jevi Quitain
PRO: Ana Rica Santiago Navarra-Cruz
Treasurer: Mike Mantala
Board of Directors:
Jo Basa
Soli Garcia
Ram Her
Union Diaries l Hulyo 14, 2026
Diliman Chapter General Assembly, Matagumpay na Idinaos
Naging makabuluhan ang ating pagtitipon bilang balangay ng Diliman sa ating General Assembly noong hapon ng Hulyo 14, 2026 sa Virata School of Business. Tuwing tatlong taon ay isinasagawa ito upang iulat ang mga napagtagumpayan ng samahan at upang maghalal ng bagong pamunuan.
Sinimulan ni Dekano Erik Paolo Capistrano ang programa sa kaniyang mensahe ng pakikiisa sa mga gawain at kampanya ng ating unyon. Sumunod ang tampok na National Situationer ni Alliance of Concerned Teachers-Philippines Vice Chairperson Carl Marc Ramota at UP situationer ni All U.P. Academic Employees Union-National Treasurer Eric Lloyd EL Hilario kung saan mahusay at matalas nilang tinalakay ang kalagayan ng mga manggagawa sa sektor ng edukasyon sa bansa at sa pamantasan.
Matapos ito ay buong giting na iniulat ni AUPAEU–Diliman President Rolando Rollie Delos Reyes ang siksik, liglig, at umaapaw na mga gawain ng ating unyon noong 2023-2026 sa aspekto ng organisasyon (pagpapalawak at pangangalaga ng kasapian), edukasyon (mga pag-aaral at pananaliksik), at kampanya (mga panawagan). Sinundan ito ng mabusising pag-uulat ng pinansiya ng balangay ni AUPAEU–Diliman Membership Committee Head Remvert Bryan Placido. Pagkatapos ay bumalik si President Delos Reyes upang ilatag ang mga nabuong resolusyon para sa taong 2026-2029 batay sa mga pulong at assessment.
Huling bahagi ng programa ang proklamasyon ng bagong pamunuan. Lubos nating pinasasalamatan ang sistematiko at malinis na proseso ng eleksiyon ng ating COMELEC na binubuo nina G. Jonathan Beldia ng UP Workers’ Alliance , Bb. Wanda Rose Castillo at Bb. Junah Amor Delfinado ng Alliance of Contractual Employees in UP, at volunteer na mga mag-aaral mula sa Alliance of Concerned Teachers-Education Students.
Nagwakas ang asembliya sa sama-sama nating panawagan na pagtataas ng sahod, regularisasyon sa trabaho, pagbasura sa SDG Park project at iba pang porma ng komersiyalisasyon, pagpapanagot sa mga kurakot, pagtataguyod sa ating mga karapatan, at paninindigan sa militante, progresibo, at makabayang unyonismo.
Taas-kamaong pagpupugay sa ating pamunuan noong 2023-2026! Mainit na pagbati sa ating mga bagong opisyal para sa 2026-2029!