25/10/2022
Walang tunay na mukha ang depresyon.
Hindi rin matukoy ang anyo't nakabase lamang sa sitwasyon.
Minsan nakakubli ito sa likod ng mga halakhak—
At tahanan nito ang tahimik na pag-iyak.
Madalas itong itinatago ng mga may matamis na ngiti.
Sa mga malugod na pagbati.
Sa mga positibong pananaw—
Sa mga taong hindi nakikitaan ng pagbitaw.
Sabi nito'y "ayos lang ako" pero sa loob nito'y pumapalahaw na ng saklolo.
Payapa ang ibabaw na dagat ng kanyang pagkatao,
Subalit sa kaloob-looban ay may mga alimpuyo't bagyo—
Mga buhol-buhol na sinulid na hindi matagpuan ang dulo.
Naghihintay lang ito ng mapagsasabihan.
Naghahanap lang ito ng taong mapagkakatiwalaan.
Nais lang nitong mapakinggan—
Gusto lang nitong maunawaan.
Kung kaya't,
Maging marahan sa damdamin ng iba,
Sapagkat lahat ay may labang tahimik na kinakaya—
At sariling pinipilit isalba.
CTTO