27/02/2022
Hindi automatiko ang respeto.
Noon pa man, binuo at hinulma na ang mga bata gamit ang isang nakakatakot na ideya mula sa matatanda: na ang respeto raw ay automatiko. Na kapag ang tao mas matanda sa'yo, mas angat sa'yo, at kapag ito ang nagpapalamon sa'yo - irespeto mo na lang. Ultimo tradisyon, relihiyon, o ang mga sinasamba nilang pekeng santong may suot na barong, irespeto mo na lang. Huwag mong kwestiyunin, sundin at paniwalaan na lamang ang sinasabi nito hanggang sa hukay. Ngunit hanggang saan kaya tayo dadalhin ng ganitong paniniwala?
Hindi automatiko ang respeto, ang automatiko ay decency. Ang respeto ay parte ng "values" ng tao at ibinibigay lamang ito sa taong nasala mo na ang pagkatao. Bakit ang tiwala binibigay mo lang sa piling mga tao, pero ang respeto dapat sa lahat? Hindi porket mas matanda sa'yo, mas angat sa'yo, o kung ano pang rason na naiisip mo - eh sapat na upang irespeto mo sila. Kailangan mo itong pag-isipang mabuti bago mo ito ibigay.
Kasi paano ito magiging "values" kung ibibigay mo ito sa lahat? Edi inflated? Mawawalan ito ng halaga.
Lumaki tuloy tayong may paniniwalang bawal pag-usapan ang iba't ibang bagay lalo na ang politika, relihiyon, usapang s*x, at iba pang mga sensitibong bagay na dapat naman talagang binibigyan nating pansin. Andami tuloy problemang hindi natin napag-uusapan. Ni hindi nga tayo naniniwalang kaya itong pag-usapan nang hindi nag-aaway at nauuwi sa pag-uunfriend o unfollow sa Facebook, may kaso pang itatakwil ang mismong kamag-anak.
At dahil nga ito ay hindi raw dapat pinag-uusapan, lumaki tuloy ang mga bata na hindi ito alam o kayang pag-usapan man lang. Pag tinanong tungkol dito, walang maisasagot; iyong ibang mayron man, mali pa. Lahat kasi ng turo ng magulang, ng mga lolo't lola, at mga g**o sa Elementarya hanggang Kolehiyo, tungkol sa politika, sa mundo, o iba pang bagay, paniniwalaan nang walang pagdududa.
Hindi iyan edukasyon kung ganoon, iyan ay doktrina. Diyos ba ang turing mo sa kanila?
At ang mas malala pa, dahil sa ganitong paniniwala, automatiko raw ang respeto dahil iba-iba naman daw ang paniniwala nating tao. Susundan pa iyan ng pamatay na “Godbless na lang po sa’yo.”
Totoo naman, may iba-iba tayong pinaniniwalaan sa buhay. Pwede mong sabihing "The Notebook" ang best movie ni Nicholas Sparks, si Azi ang pinakang poging Wattpad boys, maniwalang "Make it with you" ang best song ng Ben&Ben, si Jake Gyllenhaal ang pinakang toxic ex ni Taylor, at sobrang dami pang mga bagay. Opinyon mo 'yan eh, edi go. Panghawakan mo, wala kaming pake.
Pero hinding-hindi ka pwedeng magkaroon ng opinyon sa isang bagay kung facts ang kailangan dito. Sobrang simple. Kung ang isang bagay ay kailangan masagot gamit ang statistics, studies, history, at katotohanan, walang halaga ang opinyon mo – kahit ikaw pa si Einstein o si Peppa Pig. Isa lamang iyang salitang walang halaga.
Kung opinyon mong 1+1 = 3, mali ka, ganoon kasimple. Pwede mo itong panghawakan ngunit hinding-hindi ito karespe-respeto dahil ito ay mali.
Ang opinyon na nakakatapak ng tao, nakakasira, nabuo dahil sa disinformation at fake news, hindi sinalang mabuti, at ginagamit upang i-twist at i-distort ang katotohanan, eh opinyong patanga at walang halaga. Hinding-hindi ito karapat-dapat irespeto. Kaya anong “respect my opinion na lang po”? Bakit ako bababa sa ganoong lebel upang irespeto ang opinyon mong alam ko namang mali?
Opinyon kong kapag ang babae nagahasa o na-catcall sa kalsada, kasalanan niya ito dahil suot siya nang suot ng maikling shorts at ine-expose ang hita niyang maputi. Ayon tuloy, nabastos o nagahasa siya. Desurb niya.
Karespe-respeto ba itong opinyon ko para sa’yo kahit mas sinisisi ko ang biktima sa nangyari sa kaniya? Karespe-respeto ba itong opinyon ko para sa’yo kahit sinasabi sa pag-aaral na maraming r**e victims ang nagahasa sa mismong loob ng kanilang pamamahay, at regardless sa suot mo, magagahasa at magagahasa ka dahil may ra**st?
Kung tingin mo automatiko ang respeto at desurb ko ng respeto mo kahit ganito ang pinaniniwalaan ko, either utak ra**st ka, o tanga ka. Ganoon kasimple. At sobrang wala kang empatya sa mga taong biktima.
At bakit ka magkakaroon ng opinyon sa Martial Law? Sa EJK? Sa mga ninakaw na yaman? Eh iyan ay kailangang sagutin ng facts. Feeling cute ka ghorl dahil opinionated ka? Kala mo iyan ang minimum requirement? At kapag tinama ka, nagagalit ka pa at magdedemand ng respeto? Tingin mo ba favorite na anak ka ng Diyos dahil kahit ka mali, irerespeto ka? Grabe siya oh, sobrang entitled, hindi naman informed.
At ang mas malala pa, mas nakikita ang ganitong ugali sa mga estudyanteng HUMSS noong SHS, mga sakristan at your-average-church-goer, mga bible verse ang bio sa Facebook, at mga FUTURE EDUCATOR kuno. Sobrang daming opinyon at pinaniniwalaan na tagilid naman at alam nating mali. Sinasamba ang taong sobrang questionable ng moral compass. Tapos walang sapat na attention span manood ng isang oras na factual documentary kaya sa 1-min Tiktok video kinukuha ang facts, eww.
Kapag tinama mo, magdedemand ng respeto. Ginagawang panalag sa kritisismo. Akala ata nila invulnerable sila dahil nag-godbless na sila sa’yo. Luh, ‘wag mong gawing panalag ang pangalan ng Diyos sa opinyon mong hindi maka-Diyos.
Paano na lang kaya kapag nagka-anak, nagkapamilya, at tumanda’t nagkaroon ng mga apo ang mga ganitong tao? Ano na lang kaya ang ituturo nila sa mga bata? Pasa-pasang maling impormasyon, rebisyon ng history, at kung anu-anong maling bagay na gusto nilang ituro. The cycle continues, ‘yong generation curse patuloy pa rin.
Paano na lang kaya kung maging g**o pa sila at gamiting platform ang paaralan upang magkalat ng fake news? ‘Yong iba diyan, pa-graduate na at mga naka-graduate na, hindi pa rin marunong mag-fact check. Wala kasi atang ginawa no'ng nagtethesis pero ang kapal ng mukha mag-post ng hardbound copy with caption .
Mas ayaw ko na tuloy mag-anak ngayon at baka ito pa ang matapat na g**o nila sa hinaharap. Nakakatakot, baka ipasa pa ‘yong mga napanood sa Tiktok.
Hanggat ang ganitong paniniwala ay hindi nabubura sa mismong tahanan at sa paaralan, at kung wala tayong gagawin kontra dito, hindi tayo uunlad bilang bansa. Nag-uumpisa ito sa bahay, sa paaralan, sa sa indibidwal. Matuto tayong sumala sa impormasyong pinapasok sa utak at lalabas sa bibig. Saglit lang po mag-search, wala pa pong limang minuto. Sana hindi hassle 'yon sa'yo.
Kapag ito hindi napuksa, mas lalo lang tayong magpo-produce ng henerasyong takot magtanong, henerasyong susunod at papaniwalaan lahat ng sinasabi sa kanila, at henerasyong mas binibigyang halaga ang sariling opinyon kaysa katotohanan. In short, henerasyong tanga at walang prinsipyo sa buhay. Nakakalungkot.
Oh, ang mga sinabi ko sa itaas ay pawang opinyon ko lamang. Wala pong dapat masaktan at tamaan. Opinyon ko lang din po ito kaya sorry na, UWU. Respect n’yo na lang po ha? At tayo’y magmahalan na lang po at magkaisa.
Sabi nga sa Matthew 7:12, "so in everything, do to others what you would have them do to you, for this sums up the Law and the Prophets." Godbless po.
Sulat ni Christian Samson